Hibernation
- Patricia Garcia
- Aug 26, 2013
- 1 min read
Hindi ko inaasahang
aabot tayo sa ganito,
ang sarap sa pakiramdam
na ika'y kapiling ko.
Ngunit sa di maipaliwanag na kadahilanan,
ika'y humimlay,
pumikit, umidlip.
Ako'y naghintay,
naglakad, tumakbo
kahit gaano man katagal basta't mapigil ang antok ko.
Lumipas ang panahon
hindi na kinaya,
katawan ay napagod, isip ay nahapo na.
Inisip kong wala na,
naubusan ng pag-asa,
kaya piniling ipikit na rin lamang ang mga mata.
Sadya yatang tayo ay
pinaglalaruan ng tadhana,
pagka't pagkapikit ko'y siyang
mulat ng yong mga mata.
Sa galit sa akin, agad kang umalis,
iniwan akong mag-isa,
at doo'y nakahanap ka ng ibang ikasasaya.
Nang ako'y nagising, nagulat sa nakita
ibang kamay ang hawak-hawak mo na.
Masakit tanggapin
wala namang magagawa.
Humiling, nagdasal
na sana ika'y lumigaya.
Kaya bumalik na lamang sa dating higaan,
at doo'y habambuhay na nagpahinga.

Comentários